Kaya ngayong unang buwan ng taong ito, i'm proud to present to you...People of My Year 2009 – mga taong tumatak at nagbigay inspirasyon sa aking 2009. Kilalanin natin sila!
Mara Perez

Dati kong kasamahan si Mara sa Matanglawin Editorial Board. At sigurado akong hindi lamang ako ang isa sa mga taong natutuwa kay Mara - sa kanyang pagiging masayahin, sa kanyang pagiging "female version" ni Santino, sa kanyang "unwavering faith" kay Lord, at ang kanyang disposisyon kung saan hindi niya nakikita ang kamalian o kapintasan ng isang tao.
Bihira sa isang tao ang mahanap kaagad ang kanyang muhon sa mundo at mapalad si Mara sapagkat nakita niya kaagad ang kanyang misyon sa buhay – ang pagtuturo.
Efren Peñaflorida
CNN Hero of the Year. Isa ako sa mga Pilipinong humanga kay Efren. Napanood ko ang “The Correspondents” kung saan may segment tungkol sa kanya at ang masasabi ko lang, na-inspire ako pagkapanood ko nito. Ang mga taong tulad ni Efren ang kailangan ngayon ng Pilipinas. Lalong umigting ang aking kagustuhan na tumulong sa Bataan at gumawa rin ng proyekto para sa ikauunlad ng aking mga kababayan matapos ko mapanood ang kanyang kuwento.
The Ondoy Volunteer

Siya ang estudyante na nagdesisyong magvolunteer dahil nawalan ng pasok sa loob ng isang linggo. Siya ang isang empleyado na isiningit ang pagdaan sa mga relief efforts para makapagvolunteer bago o pagkatapos pumasok sa opisina. There's a hero in each of us, ika nga. Masarap maging Pilipino noong kasagsagan ng post-Ondoy relief efforts sapagkat kitang-kita mo kung paano magdamayan ang mga Pilipino.
Kung mayroong isang magandang bagay na dala ng bagyong Ondoy, ito ay nakita nating may mga Pilipinong kayang magbuwis ng buhay upang makapagligtas ng kanyang kapwa o kaya'y maglaan ng oras upang tumulong sa mga Pilipinong napinsala ng bagyo.
Yin Yang Pandas – GBF-China Scholarship Program Batch 2
Sila ang aking classmates sa scholarship program. Totoo ang sinabi ni Aiz, akala ko rin noong una, hindi ako makakahanap ng mga friends sa batch. Tatlong taon na rin akong wala sa college at parang nakalimutan ko na yata kung paano maging estudyante ulit kaya naman malaking adjustment din sa akin ang balik-eskuwelahan.
Nakatutuwa sapagkat nariyan ang YYPs at naging madali ang adjustment. Imagine meeting 39 different individuals na magkakaiba man kayo, nagkakasundo kayo na pare-pareho ninyong gustong tulungan ang Pilipinas pagkatapos ng program. Iba't iba man ang ginagawa ninyo pero iisa ang passion ninyo which is to help in nation-building. I really can't imagine myself na August 2010 na dahil siguradong mamimiss ko sila!
Malaking bahagi ng aking GBF life ang naging makulay dahil sa YYPs lalo na sa Xiamen Class at sa mga naging kaibigan ko roon lalo na sina Desi, Sigh, Aiz, Age, atbp.
Salamat YYPs – sa lahat ng Hanyu memories, birthday surprises, Intro to China lectures, mga outings, dinners and parties! Salamat sa pagiging bahagi ng aking 2009 and I'm looking forward to more memories ngayong 2010.
Prince del Rosario
Bilang isa sa mga matatalik kong kaibigan noong kolehiyo, isa si Prince sa hiningan ko ng payo tungkol sa pagtanggap ng alok ng GBF-CSP at ang aking promotion. True enough, isa si Prince na masugid na nagconvince sa akin na tanggapin ang offer ng GBF-CSP.
Nagpapasalamat ako sa kanya at sa kanyang mga sinabi at naging daan iyon upang tanggapin ko ang GBF-CSP. Isa rin si Prince sa mga kahanga-hangang tao noong nakaraang taon sapagkat isa siya sa mga kilala kong lalake na may malalim na pananampalataya sa Kanya.
Lingayen-Dagupan Arcbishop Soc Villegas

Malayo na nga ang narating ng dating personal secretary ni Cardinal Sin at dating rektor ng EDSA Shrine. Nakita ko kung paano naging mahusay na pastol si Bishop Soc sa mga layko ng Diocese of Balanga sa Bataan.
Tulad ng kanyang mentor na si Cardinal Sin, naging malinaw na boses rin si Bishop Soc kapag may kamalian sa pulitika ng Bataan. Tinutulan niya ang Small Town Lottery o STL, ang pagbubukas muli ng Bataan Nuclear Power Plant at naglalabas rin siya ng mga pastoral letters kapag may banta ng demokrasya hindi lamang sa Bataan kung hindi sa Pilipinas.
Masyadong maikli ang limang taon ng kanyang panunungkulan sa Bataan kaya naman noon g Farewell Mass niya sa mga taga-Bataan, hindi maiwasang lumuha ng mga tao. Bittersweet ika nga. Masaya kaming mga taga-Bataan sapagkat Arsobispo na si Bishop Soc ngunit malungkot sapagkat iiwan na niya ang aming lalawigan.
Ka Rene Peñas

Ika-5 ng Hunyo, pinaslang ng mga di-kilalang armado si Ka Rene Peñas, ang isa sa mga lider ng Sumilao farmers. Kabilang si Ka Rene sa mga magsasaka ng Sumilao na naglakad ng 1,770-kilometro na binansagang, “walk for land, walk for justice" noong Oktubre 2007. Ang martsa ay ginawa upang manawagan sa pamahalaan na ipagkaloob ang kanilang mga lupa na naging bahagi ng repormang agraryo.
Joy Roxas

Isa sa mga babaeng Pilipino na nagpamalas ng kagalingan noong nakaraang taon. Tumakbo si Joy sa Estados Unidos. Mula West Coast papuntang East Coast spanning an estimated 5,000 km, across 11 states ang ruta ni Joy. Tinawag niya itong Takbong Pangarap kung saan sa bawat paghinto niya sa marathon na ito ay magbibigay siya ng talk sa mga Filipino community.
Cory Aquino
Icon of Democracy. First Filipino Woman President. Ina ng People Power. Ilan lamang ito sa mga salitang maglalarawan kay President Cory. Hanggang sa kanyang kamatayan sinabi niyang ikinatutuwa pa rin niya na siya ay maging isang Pilipino.
Kung may isang bagay akong natutunan sa buhay ni Cory, ito ay ang kanyang malalim na pananampalataya. Sa isang panayam ni Cory sa PCIJ, sinabi niyang:

“When Ninoy was in prison, I used to think all of us have a quota for suffering and when Ninoy was assassinated, I supposed I’d filled up my quota of suffering. But that isn’t so, and when we think of Jesus Christ who did not do anybody any wrong, He was goodness Himself, and yet He was prepared to make all of these sacrifices and His suffering did not end until he died. So I suppose, each of us, while we are in this world, while we are here in the Philippines, must think of what it is that we can still offer to make life better for our fellow Filipinos.”
Dahil sa kanya at sa kanyang “happy death” twice a day na ako nagdadasal ng rosary . Kitang kita kung paano siya ginabayan ng Panginoon sa kanyang buhay hanggang sa kanyang kamatayan. Deboto rin si President Cory ng Our Lady of Fatima at may pangako ang Our Lady of Fatima sa kanyang mga deboto na kung sila ay mamatay ng first saturday of the month ang novena day nito, ibig sabihi'y namatay sila ng isang happy death. Ganito nga ang nangyari, August 1 namatay si Cory, first saturday of August at nakita natin kung paano naging maluwalhati ang pagbalik ni Cory sa kanyang Manlilikha at kung paano nagpaalam sa kanya ang sambayanang Pilipino.
Karl Satinitigan

Ang dating Sanggu President ng Ateneo de Manila University Loyola Schools. Naging kontrobersiyal ang kanyang pamumuno sapagkat napatalsik siya sa kalagitnaan ng kanyang termino dahil sa kanyang pagkakahinto ng isang semestre. Maraming balita ang lumabas bunsod nito. May nagsabing nag-NPA na raw si Karl, etc.
Natapos ni Karl ang kanyang degree sa Ateneo noong 2009. Sa kasalukuyan, aktibo siya sa PiNoy Power, isa sa mga volunteer groups para kay Noynoy Aquino. Nanalo rin si Karl sa HSBC Business Plan Competition sa Hongkong. Ipinakita lamang nito na kaya nating bumangong muli mula sa pagkakadapa.
Tristan Laoshi
Isa si Tristan Wu sa mga Zhongguo Laoshi (chinese teachers) na kinuha ng Confucius Institute upang magturo sa amin ng Hanyu. Siya ang guro ng Xiamen Class (ang basic class section na kinabibilangan ko) sa Comprehensive Chinese class namin kaya siya ang may pinakamaraming oras ng pagtuturo sa Xiamen.
Noong mga unang buwan, tila istrikto at disiplinado si Tristan. Ngunit nang maglaon nakita namin kung bakit siya ganito. Maraming salamat, Tristan laoshi sa pagtuturo nang mahusay ng Comprehensive Chinese sa Xiamen. Mamimiss namin ang iyong pagkanta at iyong pagkabugnot kapag nagiging inpatient ka na dahil nagkakamali pa rin kami paminsan-minsan sa aming pagsasalita ng Hanyu kahit ilang beses mo na ito itinuro. Salamat sapagkat naging bahagi ka ng aming GBF life. Sana ay magawa nating makapagkita-kita sa Guangzhou.
Nonoy Baclao
Isang inspirasyon sa mga probinsyano na patuloy lamang magsumikhay at darating din ang oportunidad. Tubong Bacolod, isa si Nonoy Baclao sa mga hinahangaan kong manlalaro ng Ateneo. Oo, hindi siya shooter tulad ni Rabeh ngunit iba ang kanyang laro lalo na noong Season 71. Sabi nga ng isang kaibigan, “halimaw” si Nonoy kapag nasa basketball court.
Season 70 pa lamang ay pansin na ang aking kagalingan ni Nonoy. Sumikat siya noong Season 72 kung saan nanalo ang Ateneo laban sa La Salle sa Finals. Dumami rin ang kanyang fans kaya may sarili na siyang fan blogsite: www.nonoyforpresident.blogspot.com
Sayang at tatlong season lamang siya naging bahagi ng Blue Eagles.
Mara Perez. Efren Peñaflorida. Ondoy volunteer. Yin-Yang Pandas. Prince del Rosario. Soc Villegas. Ka Rene Peñas. Joy Roxas. Cory Aquino. Karl Santinitigan. Tristan Laoshi. Nonoy Baclao.
Sila ang aking People of “My Year” 2009. Kayo, sino ang nasa listahan ninyo?


Jed, maraming, maraming salamat. Lubos na nakatataba ng puso ang mga isinulat mo rito. Salamat sa iyong pagtitiwala. Salamat din sa pagpaplano mo ng ating mga pagkikita na kayo parati ni JP ang parating may malalim na sinasabi at namimilosopiya. ü Salamat din sa bagong salitang natutunan ko sa iyo–MUHON. Idadalangin ko rin ang iyong kasiyahan. Maraming salamat talaga. ü
ReplyDelete